General

Hindi to si General. Look a like lang. Thanks to Sulit.com.ph sa picture nato.

“Aw-aw-aw” ang madalas pambungad na bati ni General kay Miko sa tuwing darating ito mula sa paaralan. Si General ang madalas kalaro ni Miko at nang nakakabatang kapatid nito na si Menard.

“General kunin mo to” sigaw ni Menard sabay hagis ng kapares ng tsinelas nito sa di kalayuan. Agad namang sinundan ni General ang direksiyong eksaktong tatama ang tsinelas. Ilang sandali pa ay tangan na ni General ang nasabing tsinelas papalapit kay Menard.

Maganda ang panahon noon. Kakatapos lamang ng pinakaunang ulan sa buwan ng Mayo. Sa nakaugalian ng mga matatanda, sinasabing ang pinakaunang ulan ng Mayo sagrado. Katumbas daw ito ng “bendita”. Kaya sa labas bahay ng pamilyang Alcona ay makikita ang isang timba at batya na puno ng tubig ulan.

“Miko, pagtutulungan niyong hulihin ni Menard ang ulikbang manok na ‘yan”. Sabay turo sa isang maitim na manok na kasama ng iba pang manok na tumutuka ng mga bulateng nakalitaw sa lupa matapos maararo ni Mang Roming.

“Opo Itay”. Sagot ni Miko.

“Alam ko na!, Tay lagyan kaya natin ng ubod ng saging-saba” patakam na suhestiyon ni Menard.

“Kayo bahala, basta tulungan niyo si nanay niyo sa paghanda at pagluto niyan” utos ng ama.

“Oks Tay!” sagot ni Miko.

“General tara, hulihin na natin si Ulikba” sabi naman ni Menard na animoy handang-handa na makipaglaro ng habulan sa manok at aso.

“Hala la la la la la” hudyat ni Miko kay General para dakpin si Ulikba. Sinabayan pa ito ng palakpak ni Menard na lalong naghikayat kay General para mahuli si Ulikba. Lumipad si Ulikba at sa kasamaang palad bumagsak din ito sa maabilidad na pagdakama ni General. Hindi naman kinakagat ni General ang mga pinahuhuling manok nito sa kanya. Dinadakma lamang niya ito at daganan ng katawan at mga paa nito di na makalipad. Simula nu’n si General na ang tanging tagahuli ng manok at maging tagapagbantay ng mga sisiw ng manok mula sa pag-atake naman ng mga lawin at uwak.

Araw-araw may halos pitong kilometro rin ang nilalakad ni Miko at ni Menard papunta sa Masiag kung saan sila pumapasok sa elementarya. Maaga kung gumising si Aling Bodie para magluto ng agahan ng pamilya nito. Minsan, lalo na kung maulan ay hinahatid ni Mang Roming ang mga anak nito lagpas ng suba para iwas basa ng tubig. Sa bawat araw na iyon ay kasamang nakipaghabulan at nakilangoy kay kapon si General.

Ang gawaing iyon ay isa lamang sa mga naging sakrispisyo ni Mang Roming sa mga anak nito hanggang nakapagtapos ng elementarya. Sa pagsisikap ni Miko at ni Menard ay nagawa naman nilang mapasaya ang mga magulang sa tuwing ng pag-tatapos. Halos walang masidlan ang tuwa ng mag-asawa sa tuwing tinatawag ang mga pangalan ng anak para tumanggap ng karangalan.

Nag-aral ng hayskul si Miko at Menard sa isang pribadong paaralan ng Notre Dame of Masiag na pinapatakbo ng mga paring Oblates of Mary Immaculate.  Para mas lalong mapagtuonan ng magkapatid ang pag-aaral sa hayskul ay napagdesisyunan ng mag-asawa ng magpatayo ng maliit na bahay malapit sa eskwelahan. Dahil dito hindi na araw-araw ang paglalakad ng magkapatid. Isa hanggang dalawang beses lamang kung makauwi ang magkapatid sa talagang bahay nila sa isang malayong barangay ng Daluga.

Isang araw, naubusan na ng bigas ang magkapatid at siguradong magugutuman sila. Di alam ng magkapatid kung paano maparating sa mga magulang ang problema dahil sa layo ng kanilang barangay. Papalapit na ang pagsusulit noon kaya ayaw naman nilang lumiban sa klase. Hanggang sa may ideyang naisip si Miko.

“Si General!” Nakangiting sabi ni Miko.

“O ano naman tungkol kay General?” Pagtatakang tanong ni Menard.

“Siya ‘yong utusan nating kumuha ng bigas” Dagdag pa ni Miko.

“Pwede ba ‘yon? E, aso yon. Paano ba niya bitbitin ang sako ng bigas” Tila di pag-sang-ayon ni Menard.

“Susulat tayo at itali sa leeg ni General tapos papauwiin natin siya sa Daluga” Henyong suhestiyon ni Miko.

“Baka mabasa yong sulat” Sagot ni Menard.

“E, di babalutin natin yong sulat” Wika ni Miko.

Sinimulang sinulat ni Miko ang mensahe para sa mga magulang habang si Menard naman ay abala sa paghanap ng plastik na pwedeng pagbalutan  ng papel at pantali sa leeg ni General.

“General!” Tawag ni Menard.

Inabot ni Miko kay Menard ang gawa nitong sulat na nakabalot na at may tali. Sabay ang paglapit ni General na nagkukumpasan pa ng buntot at agad tinalon ang pisngi ni Menard para halikan. Hinaplos-haplos ni Miko ang katawan ni General at habang tinatali ni Menard ang sulat sa leeg ni General.

Pinakain ni Miko si General at pagkatapos ay pakunwaring pinagalitan ang aso. Sinabihan ng magkapaatid si General na umuwi ng Daluga. Animo’y tao na nasaktan naman ang aso. Umalis ang magkapatid papuntang paaralan at saka naman ang pag-alis ni General mula sa tinutuluyan nilang bahay pauwi ng Daluga.

Di pa man kumagat ang dilim ay dumating na nakasakay ng kabayo si Mang Roming na dala ang sako ng bigas. Kasabay naman ni Mang Roming na agad tumahol pagkakita kay Miko.

Nakangiting sinalubong ni Miko ang ama.

“Paano niyo po nalaman na wala kaming bigas?” wika at sabay mano ni Miko sa ama.

“Kay General” sagot naman ng ama.

“Paano niyo po nakita yong sulat?” tanong ni Menard.

“Pagdating ni General ng bahay ay hindi na ako nilubayan sa kakahalik at panay ang higa sa harapan ko. Pero si Nanay mo ang unang nakakita ng sulat. Doon ko lang nalaman kung bakit higa-higa si General sa tuwing haharap  sa akin.” Kwento ng ama kay Menard.

Makalipas ang ilang taon  ay nagdesisyun ang mag-asawa na lumipat ng General Santos City para makapaghanap ng ibang trabaho para paghandaan ang pagkolehiyo ng mga bata.

“Aw-aw-aw” tahol ni General kay Miko habang nilalabas ng bahay ang mga dala nilang bag.

“Aw-aw-aw” Muling tahol ni General na animo’y nagtatanong kung saan papunta ang kinagisnang pamilyang.

“Aw-aw-aw” muling tahol at sa pagkakataong ito ay binudol ni General ang nakatayong si Miko.

“General, paalis na kami. Iwan ka na namin” maluha-luhang niyakap ni Miko si General.

Sa pagkakatong din yon ay lumapit si Menard sa aso na dala ang inihandang pagkain para sa alaga. Ngunit di yon pinansin ni General na panay ang halik ka pisngi ni Miko na noon ay umiiyak na. Matanda na si General,  may limang taon na rin siyang napamahal sa pamilyang  Alcona. Di na siya puwedeng dalhin pa kasi malaki na at masyadong malayo ang biyahe. Si Aling Bodie naman ay walang tigil ang iyak habang minamasdan ang mga anak na nakayakap sa alagang aso.

“Tara na nahihintay sa atin ang sasakyan” Utos ni Mang Roming na halatang ayaw tignan ang mga anak at si General.

Sinubukang biuhatin ni Miko si General para isakay sa dyip pero pingalitan siya ng ama.

“Iwan mo na yan at baka makakagat pa ng ibang pasahero” utos ng ama sa anak.

Masakit man sa kalooban ay walang magawa ang mga anak. Mahigpit na niyakap ng magkapatid ang alagang aso at lalong humagulhol sa iyak. Panay naman ang dila ng aso mga kalarong bata. Hinwakan ni Aling Bodie at pinilit na sumakay na ng dyip na noon ay naluluha na rin.

Masakit para sa pamilya na iwan si General dahil kasapi ng pamilya ang turing nila dito. Nagsimula nang umandar ang sasakyan ngunit nakahawak pa rin si Miko sa paang inaabot ni General sa amo. Sa pagtakbo ng sasakyan ay unti-unting papalayo sila sa kinaroroonan  ni General. Ilang sandali pa ay tumayo si General at humabol sa noo’y papatakbo ng sasakyan.

“Aw-Aw-aw” tahol ni General sa sinasakyang ddyip ng pamilya.

Lalong naiyak si Aling Bodie habang tinitignan ang mga anak na nakakampay sa humahabol na alagang aso. May kalayuan na rin ang tinakbo ng deyip ngunit patuloy pa rin ang aso sa kahahabol na lumalabas na ang dila sa pagod. Mas naging matulin ang takbo ng sasakayan at tuluyan ng nawala sa paningin ni Miko at Menard ang alagang aso.

Makaraan ang isang tao ay muling binisita ni Mang Roming ang nilisang baryo at nabalitaan niyang bigla na lang naglaho si General mg tatlong buwan matapos siya nilisan ng pamilyang kinagisnan. Ito’y isang kwento na nagpapatunay ng wagas na pagkakaibigan ng tao at hayop.