Isa sa mga lugar na madalas dayuhin ng mga turista sa Davao tuwing gabi ay ang Roxas Boulevard. Hile-hilerang mga pagkain at samalamig ang maaari mong tikman. Katakam-takam nga naman ang mga typical Filipino streetfoods tulad ng kwik-kwik, balut, isaw, inihaw na bahagi ng manok, pork barbecue, mga prutas at iba pa. Ngunit isa sa talagang makakaagaw ng iyong atensyon ay ang mga nagkukumpulang pila para sa Ice Cream ni Mang Danny. Una pa lang ay talagang mapatanong ka kung bakit ganun na lang kataas ang pila na halos umikot na sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Minsan pa nga raw, makikita mo ang mga nakahilerang sapatos at tsinelas habang ang mga may-ari ay nakaupo sa gilid ng kalsada. Malamang sanhi ng pagod ay naisipan nilang mga suot sa paa ang ipipila para sa kanila. Wala kang maririnig na reklamo sa bawat isang nakapila. Masayang nagseselfie at kwentuhan. Bawat isa ay masayang naghihintay sa kanilang pagkakataong makakuha ng ice cream ni Mang Danny. Madalas nagsisimua ang bentahan ala-sais ng hapon at matatapos ng alas-dos ng madaling araw (6:00PM to 2:00AM)
Mapalad akong nakausap ang isa sa mga anak ni Mang Danny na si Ate Elena dela Torre-Nieves at si Mang Rommel Morente, bilas ni Mang Danny.
Isang Ilonggo si Mang Danny na lumaki sa Matalam, North Cotabato. Sa edad na 65, tanging pagtitimpla ng sorbetes ang trabahong alam ni Mang Danny. Ayon sa kanila, mahigit apat na dekada na rin sa ganitong uri ng negosyo si Mang Danny. Nagsimula siyang magbenta ng ice cream sa harapan ng San Pedro malapit sa cathedral hanggang sa ilipat sila sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Kung dati ay halos walang eksaktong pwesto si Mang Danny sa kanyang tindang ice cream, ngayon ay halos okupado na nito ang kalahati ng Paseo. Dahil kahit saan man pumuwesto ay talagang pipilahan at dudumugin ng mga parokyano. Minsan pa nga raw ay nakipila rin si Inday Sarah Duterte para makatikim ng masarap na ice cream ni Mang Danny.
Ayon kay Mang Rommel, malaking tulong ang social media para mas naging mas kilala pa ang ice cream ni Mang Danny. Since malapit ito sa Ateneo, madalas ay pipilahan ng mga estudyante, magseselfie at upload sa Facebook, twitter, at instagram. Simula ay pinilahan na ang masarap na ice cream ni Mang Danny. Minsan din itong nafeature sa national tv sa programang Rated K at Jessica Sojo. Maging ang mga international media ay naitampok na rin si Mang Danny sa kanilang show.
Sinubukan na rin ng mga sikat na brands ng ice cream na suyuin si Mang Danny para alamin ang sekreto nito sa masarap na ice cream. Maging ang mga sikat at malalaking malls sa Davao ay sinuyo si Mang Danny ngunit mas pinili nitong manatiling simple at magbigay ng saya sa mga parokyano nito sa bangketa.
Isa nang tourist attraction kung ituring ang Ice Cream ni Mang Danny. Sa halagang 20 pesos per cone ay malalasahan mo na ang masrap na ice cream ni Mang Danny. Sa kasalukuyan may apat na flavours ito na maaring pagpilian, Durian, Mocha, Ube at Strawberry.
Siyempre, hindi makokompleto ang gabi kung hindi ako pipila at tikman ang masarap na ice cream ni Mang Danny. Salamat nga pala kasi hindi na ako pinabayad sa dalawang cones ng ice cream na tinikman ko. Mocha at Ube ang tinikman ko at talagang sobrang sarap. Pawi at sulit ang pagod sa pila. Kahit nga tulo ng ice cream sa kamay ay talagang sisimutin mo sa sobrang sarap. Subukan niyo at talagang itataya ko ang kredibilidad ko sa reputasyon ng ice cream ni Mang Danny. Sarap!
Kim Roe Alcantara-Libutaque